“Bobo! Bobo!”, ang sabi ng teacher kay Juan na kasasagot lamang ng 11 sa tanong na one plus one.
“Ma’am, bakit po? Hindi ba’t tama naman ang sagot ko?”
“Ang one, dagdagan mo ng one, ang sagot ay eleven?! Ang tanga mo talaga! Sige nga! Ipaliwanag mo nga sa akin kung paanong nangyari iyon!”
“Ma’am, kasi po diba malungkot kapag mag-isa ka? Kaya nga po natin gustong magkaroon ng kasama eh. Para hindi na tayo malungkot. Siguro po ay ganon din ang mga numero. Kaya nung tinanong nyo ako ng one plus one, naisip ko, malungkot nga naman ang buhay ko kung ako lang mag-isa. Kaya syempre, kailangan ko ng kasama. At iyon ay yung isa pang one. Kaya kapag pinagsama mo ang dalawang ONE, syempre, magiging eleven iyon.”
“Eh pagsasamahin mo nga eh. Diba? Dapat ang isa, pag dinagdagan mo ng isa, magiging dalawa. Kaya dapat ay 2 iyon.”
“Alam nyo Ma’am, minsan, tinatanog ko sa sarili ko kung bakit kayo nakapasa sa pagtititser. Eh simpleng pagbilang lang hindi nyo pa alam. Kailang pa naging dalawa ang 2? Eh diba, isang numero lang iyan? Kaya ang tamang sagot dapat ay ‘11’. Kasi dalawang numero iyan. Isang 1, dagdagan mo ng isa pang 1, edi dalawang 1. Tangengot pala itong si Ma’am eh!”
“Ah basta! 2 ang sagot! Marunong ka pa sa akin, eh ako ang teacher!”
“Iyon na nga ang masakit sa amin Ma’am eh. Ikaw na nga ang teacher, mas marunong pa kami sa iyo!”
(PAGKATAPOS NG APATNAPUNG ARAW NA PAGDEDEBATE)
Mga Estudyante: Teacher! Teacher! Anong nangyari inyo?! Bakit kayo hinimatay? Dumudugo pa ang ilong n’yo!
(Si Juan noon, na nasa unang baitang pa lamang, ay kasulukuyang iniimbestigahan ng CIDG at sasampahan pa daw siya ng kaso ng kanyang guro na ihahain sa Korte Suprema dahil siya ay nagkasala ng pangangatuwiran at paghahayag ng sariling opinyon.) Kawawang Juan…
Aristotle. Plato. Socrates. Confucius. Albert Einstein. Wright Brothers. Alexander Graham Bell. Patrick Starfish.
Ilan lamang ang mga ito sa mga tanyag na pangalan dahil sa kakayahan nilang mag-isip. Mga “Henyo” kung ating tawagin. Sila ay yung mga taong malaki ang naiambag sa lipunang ginagalawan natin ngayon dahil sa kanilang mga imbensyon at pilosopiya.
Sa paaralan, ang mga mahilig magtaas ng kamay, ang mga highest palagi sa quiz, ang magaling mag-present ng thesis, maganda ang term paper, masipag magsulat, sipsip sa teacher, magaling magtago ng kodigo, mahaba ang leeg sa pangongopya. Iyan ay tinatawag rin nating mga henyo.
Sa trabaho, yung mga may magagandang performance chart, mga na-promote, perfect ang attendance(no late, no absent), mabilis mag-type, malakas ang loob, magaling magsalita, seksi at malalanding sekretarya. Mga SUPER HENYO iyan, para sa atin.
Ngunit, ano nga ba ang pamantayan ng pagiging henyo? Kailangan mo bang maging ‘excellent’ sa iyong ginagawa? Kailangan bang mag-imbento ng mga kahindik-hindik na makinarya? Kailangan mo bang magkaroon ng uno o ng mataas ng grade? Kailangan ba mataas ang pusisyon mo? Kailangan bang malaki ang sweldo mo?
Madalas, nakakalimutan natin, na tayong lahat ay mga henyo. Nakakalimutan natin na ang mismong kakayahan nating mag-isip, mangatuwiran, magpaliwanag ng mga bagay-bagay, magmahal, at manampalataya, ay isang malaki nang katibayan na tayo ay mga henyo. Samakatuwid, matawag ka lang na tao, isa ka nang henyo.
Sa Ifugao, walang ibang ikinabubuhay ang mga tao kundi ang pagsasaka. Ngunit nang mawalan na sila ng lugar na pagtatamnan, anong ginawa nila? Gumawa sila ng mga kapatagan sa kabundukan. Gumawa sila ng himala! Hindi ba iyan pagiging henyo?
Nung panahon ng diktaturya ni Marcos, at panahon ni Erap. Nagawang magtipun-tipon ng milyung-milyong mga tao sa EDSA upang gumawa ng pagbabago. Ang lakas ng kanilang loob, sa kabila ng mga armas ng mga militar na nagbabantay sa EDSA noon, ay hindi kayang sukatin ng kahit ano pang unit of measurement. Hindi ba ito simbolo ng pagiging henyo?
Nung dumating ang bagyong Ondoy, marami sa atin ang nawalan ng mga ari-arian, bahay, higit sa lahat, mga mahal sa buhay. Ngunit sa halip na umupo sa gilid at magmukmok, nakuha pa nating ngumiti at tumawa. Hinarap natin ang lahat ng ito ng may liwanag ng pag-asa sa ating mga mukha. Bagay na hindi maipaliwanag kahit ng mga dalubhasang psychologists. Sa tingin nyo, ang kakayahang italiwas ang ating mga emosyon sa takbo ng sitwasyon, hindi ba ito katibayan ng pagiging henyo?
Ang pagiging henyo ay hindi napag-aaralan. Ang pagiging henyo ay hindi natututunan.
Ang pagiging henyo ay namamana, isang bagay na nananalaytay na sa ating mga dugo kahit nung nasa sinapupunan pa lamang tayo. Ang curiosity natin, ang mga tanong na nabubuo sa isip natin, ang bawat silakbo ng damdamin sa tuwing inaapi ang ating bayan, ang pagmamahal at pagtanaw ng utang na loob sa Dakilang Lumikha, lahat iyan ay manipestasyon ng pagiging isang henyo.
Huwag kang maniwala sa sasabihin ng kahit sino pa man tungkol sa iyo. Huwag mong hayaang apihin nila ang iyong kakayahang mag-isip. Huwag mong hayaang tapakan nila at durugin ng pinung-pino ang utak mo.
Kaibigan, isa kang Henyo! Pakawalan mo ito at ihandog sa buong mundo.
Kagaya ng mga Ifugao, patagin natin ang mga bundok na madadaanan natin sa buhay na ito.
Kagaya ng mga taong nagsama-sama upang gumawa ng pagbabago, huwag tayong matakot sa armas ng mga sundalo ng kahirapan.
Kagaya ng mga taong nasalanta ng bagyo, harapin natin ang lahat ng unos na darating ng may ngiti at ningning ng pag-asa sa ating mga mata. Kahit sampung Ondoy na sabay-sabay pa iyan, ngitian mo lang.
Mga Kapatid! Mga Pilipino! Halika. Umapak tayo sa daan ng bagong mundo. Pakawalan natin ang mga henyo na nasa ating mga kaibuturan.
Ako ay Henyo. Ikaw ay Henyo. Tayong lahat ay Henyo.
-Prometheus
sangredenoypi.blogspot.com
